Thursday, October 4, 2007

HUMAYO KA, KAPATID

Madaling araw ng Miyerkules, ika-8 ng Agosto ng taong kasalukuyan(2007), pinasok ng isang magnanakaw ang bahay na tinutuluyan ko. Kinuha ang ilang mahahalagang bagay sa akin, at ako ay sinaktan ng tangka kong bawiin ang mga ito.

Dahil sa pangyayaring ito, nabuo ang takot sa aking isip. Hindi ako makatulog. Labis na naapektuhan ang aking emosyon. Nanalangin ako nang nanalangin. At sa patuloy kong pakikipag-ugnayan sa Panginoon, unti-unting nawala ang aking takot at napalitan ito ng awa sa taong gumawa ng masama sa akin. Oo, gusto kong mahuli ang taong ito upang panagutan ang kanyang ginawa. Subalit, ang aking idinadalangin ngayon, ay yakapin siya ng ating Panginoong Diyos upang maramdaman niyang siya ay mahalaga.

Isa lang ang taong ito sa mga nangangailangang mailapit at maidala sa ating Panginoon. Masdan natin ang ating kapaligiran, maraming tao ang may karamdaman at nagugutom, at maraming tao ang nabubuhay sa kadiliman na dulot ng kasalanan. Kailangan nila ang kaligtasan. Kailangan nilang maranasan ang buhay na kasiya-siya sa piling ng ating Panginoon.

Paano? Paano mangyayari ito? Mayroong mga tanong na kailangang masagot.

Sino? Sino ang magpapalaganap ng kaharian ng Diyos? Hindi lamang mga pastor, diakonesa o mga namumuno sa ating mga simbahan ang may tungkulin nito, kundi, lahat ng taong tumanggap sa ating Panginoong Jesus bilang kanyang sariling tagapagligtas. Kung ikaw kapatid ay naniniwalang ang Diyos ang siyang naghahari sa iyo, tungkulin mong ibahagi sa iyong kapwa ang kaligtasang naranasan mo mula sa ating Panginoong Diyos.

Paano gagawin? Isang napakahalagang bagay ang basahin at pag-aralan ang Bibliya. Pero, mas higit na gawin ay isabuhay ito. May mga nagsasabi, " ako ay may pananampalataya", ngunit sinasabi ko sa inyo, ang mga demonyo ay sumasampalataya rin. Ang sabi sa Banal na Kasulatan, patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa.

Saan? Bago umakyat ang ating Panginoong Jesus sa langit, kanyang sinugo ang kanyang mga alagad na humayo sa lahat ng dako upang gawing alagad ang lahat ng tao. Ibig sabihin, kahit saang lugar, kailangang patunayan ang ating pananampalataya. At saan tayo mag-uumpisa? Huwag na tayong lumayo pa, umpisahan natin sa ating pamilya. Paano tayo makapaghikayat ng ibang tao na sumampalataya sa Panginoon kung mismong pamilya natin ay hindi natin mahikayat? Paano natin sasabihin sa ibang tao na pumunta at dumalo sa mga gawain ng simbahan kung mismong asawa, anak, kapatid ay hindi natin masabihan? Mga kapatid, humayo tayo sa buong mundo upang ibahagi ang Ebanghelyo, at umpisahan natin sa ating mga tahanan.

Kailan? Ang kahapon ay hindi na natin puwedeng ibalik pa, hindi rin natin tiyak ang bukas, ang mahalaga ay ngayon. Ang sabi sa isang kanta,"Huwag ng ipagpabukas pa, ngayon ay gawin mo na.".