Wednesday, January 23, 2008

GUSTO KONG MAGING WRITER!

Nang umuwi ako sa min noong bagong taon,nagkaroon ako ng hindi inaasahang pagkakataon na mabasa ang mga sinulat na sanaysay ng aking yumaong ama. Nag-aayos ako ng mga gamit sa bahay nang makita ko ang isang envelop na naglalaman ng mga sanaysay na akda niya. Magaling ang tatay ko sa pagsusulat lalo na sa wikang ingles.

Ito ang nais kong tularan sa kaniya. Pero kahit na anong pilit ko yata ay hindi ko pa rin magawa. Ang sabi sa isang kasabihan, "Practice makes perfect." Sulat lang nang sulat, mapapasaan at gagaling din. Kung kaya, heto, nagsusulat kahit walang nagbabasa sa aking mga sinusulat.

Sa totoo lang, pangarap kong maging isang manunulat. Sa katunayan, marami na rin akong nagawang kuwento, karamihan dito ay pambata(natural lang dahil ako ay isang guro ng pre-school). Noong ako ay nasa kolehiyo, madalas akong mapili na isa sa mga gagawa ng material para sa Sunday School. At noong 2005, nagkaroon ng seminar para sa mga School Paper Advisers, ako ang ipinadala ng aming paaralan. Hindi ko inaasahan na mapili ang gawa ko sa newswriting at editorial cartooning bilang Best Output.

Ganoon pa man, naroon pa rin ang pakiramdam na walang saysay ang mga sinusulat ko. Pero, sige, hindi pa rin ako magsasawa sa pagsusulat kahit walang nagbabasa. Malay natin, kapag wala na ako, tsaka lang mababasa ang mga ito. Ang mga libro sa Biblia, matagal na panahon pa ang lumipas bago ito natuklasan. Tingnan natin ngayon, ang Biblia ang maituturing na "Best Selling Book". Siguro, kagaya ng Biblia, may makakatuklas din sa mga sinusulat ko, at maging inspirasyon nila sa buhay.