Friday, February 29, 2008

PATAWAD AMA!

"Ama, patawarin mo sila,sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa."

Isa ito sa maga huling pitong wika ng ating Panginoong Jesus nang Siya ay ipinako sa krus.

Si Jesus ay walang kasalanan. Ngunit Siya ay hinatulang mamatay dahil sa pagtuturo Niya ng katotohanan.Maraming tao ang nagalit sa Kanya sapagkat naghatid Siya ng liwanag na naghayag sa ginagawa nilang 'di tama.

Mga kawawang nilalang, ginagawa nila ay di nila nalalaman.

Nangyari ito mahigit 2000 taon na ang nakalipas. Sa panahon natin ngayon, tila sumisigaw pa rin ang ating Panginoon ng, "Ama, patawarin mo sila sapagkat di nila nalalaman ang kanilang ginagawa." Bakit ko nasabi ito?

Una, dahil maraming tao pa rin ang walang paninindigan. Ang mga taong ito ay parang lintang nakadikit sa mga malakas at makapangyarihan. Kung mahina na ang kanilang kinakapitan, lilipat na naman sila sa iba.Ito rin ang mga taong tila may paninindigan ngunit 'di naman nila alam kung ano talaga ang kanilang ipinaglalaban.

Pangalawa,dahil sa mga taong nabubuhay sa kasinungalingan.Pilit itinatago ang kanilang kasalanan. Nabuko na nga sila, pilit pa ring pinagtatakpan ang kanilang maling nagawa.Ito rin ang mga taong tila maamong tupa, iyon pala, mas masahol pa sa pinakamabangis na hayop sa balat ng lupa.

Pangatlo, marami pa rin ang walang pakialam.Laganap na ang katiwalian at kawalang katarungan subalit marami pa rin ang nagbibingi-bingihan at ayaw makisangkot sa usapin ng lipunan.

Pang-apat, dahil sa mga taong makasarili. Ito ang taong walang pakiaalam sa iba, isinusulong lang ay sariling interes nila.Hindi na baleng matapakan ang iba, makamit lamang ang gusto nila.

Panglima, dahil sa mga taong nakikita lang ay mali ng iba. Hindi lingid sa atin ang mga nangyayaring kaguluhan sa gobyerno, maraming nagagalit sa katiwalian ng mga namumuno."Pagbabago!"ang sigaw natin, ngunit nasabihan na ba natin ang ating sarili,"Sarili ko, magbago ka!"Paano natin maaalis ang puwing ng iba kung di natin kayang tanggalin ang troso sa ating mukha?Paano natin mababago ang lipunang ito, kung mismong sarili natin di natin kayang mabago?Sa mga nangyayaring hidwaan sa pamahalaan, di ko na alam kung sino ang nagsasabi ng katotohanan. Ang masasabi ko, pare-pareho lang sila.

Pang-anim, dahil sa mga taong 'di pa rin tumatanggap sa regalo ng kaligtasan na kaloob ni Kristo. Mas pinipili pa ring mabuhay ayon sa pita ng laman. Masyado silang nabulag sa pansalamantalang kaligayahang dulot nito.

Panghuli, dahil sa mga taong nagsasabing alagad ni Kristo,ngunit 'di naman nagsisilbing buhay na patotoo. Ang pagiging kristiyano nila ay hanggang salita lamang at sa gawa nila'y 'di nila napapatunayan.

Alam ko, tulad ko, napapagod na rin kayo sa mga nangyayari sa lipunan natin ngayon. Hayaan ba natin na patuloy pa ring sambitin ni Jesus ang,"Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa!"?

Huwag na nating hintayin ang iba na sumagot sa katanungang ito,umpisahan na natin sa sarili natin mismo. Katulad ng hinahangad nating pagbabago. Ito ay mag-uumpisa sa sarili ko at sa sarili mo.

At sabihin natin sa ating Panginoong Diyos,"Ama, patawarin Mo ako, sapagkat hindi ko alam ang ginagawa ko, baguhin Mo ako, para sa bayan ko at para sa kaluwalhatian Mo."

AMEN!