Tuesday, December 25, 2007

BAGYO

Kahit ano ang ating gawin, hindi natin mapipigilan ang pagdating ng bagyo, maliban na lamang kung magbago ito ng direksiyon. Ang bagyo ay bahagi ng ating kapaligiran, ng ating buhay. Ganoon din ang iba pang mga kalamidad gaya ng lindol, baha at marami pang iba.

Bakit kaya hinahayaan ng Panginoon na dumanas tayo ng mga kalamidad? Ano ang Kanyang dahilan?

Nang minsang nagkaroon ng malakas na bagyo sa aming lugar, para bang wala nang katapusan, ang lakas ng hagupit ng hangin at buhos ng ulan. At nang matapos ito, ako ay lumabas kasama ang aking limang taong gulang na pamangkin. Ako ay nabigla sa kanyang sinabi, "Tita, tingnan mo, nilinis ni Jesus ang paligid." Totoo nga naman, pagkatapos ng napakadilim at napakaingay na gabi dala ng bagyo, pumalit ang isang napakatahimik at napakaliwanag na paligid. At noon, aking napagtanto na ang bagyo at iba pang mga kalamidad ay pamaraan ng Panginoon upang linisin at baguhin ang mundong Kanyang nilikha.

Kung ang ating lupain ay dimaranas ng mga ganitong bagay, ang buhay natin bilang mga Kristiyano ay hindi rin makakaiwas sa mga ito. Tayo rin ay dumaranas ng mga bagyo- mga problema, sakit at pagsubok. Ano kaya ang dahilan ng Diyos bakit hinahayaan Niya na tayo ay dumaan sa mga pagsubok ng buhay?

Una, upang tayo ay baguhin. Ang mga suliranin ay paraan ng Diyos upang tayo ay hubugin. Katulad ng isang singsing, dumaan muna ito ng maraming proseso bago ito naging isang magandang alahas. Upang ating marating ang plano ng Diyos para sa ating, kinakailangan muna tayong dumaan sa maraming proseso, mga pagsubok at hamon ng buhay.

Pangalawa, upang tayo ay linisin. Mayroon tayong mga gawain na labag sa kalooban ng Diyos. Minsan, ginagamit Niya ang mga problema upang lubayan na natin ang ating mga nakagawian. Ang problema kasi sa atin, nagigising lang tayo sa katotohanan kung may mga suliraning dumarating.

At pangatlo, upang tayo ay mas lalong mapalapit sa Panginoon. Ginagamit ng Diyos ang mga pagsubok upang mas lalong tumatag ang ating pananampalataya.

Paano natin harapin ang mga bagyo ng buhay?

Nang maranasan ng mga apostoles ni Jesus ang bagyo sa gitna ng lawa, sila ay natakot, nabalisa at nangamba. Sinabi sa kanila ni Jesus, "Nasaan ang inyong pananampalataya?" Mayroon akong nabasang kuwento tungkol sa mga tao sa Batanes. Kahit na madalas silang daanan ng mga napakalakas na bagyo at iba pang kalamidad gaya ng tag-tuyot, nandoon pa rin ang positibong pagtingin sa buhay. Hindi nawawala sa kanila ang pag-asa. Nang minsang makaranas sila ng isang matinding tagtuyot na talaga namang nakaapekto sa kanilang kabuhayan, hindi sila nawalan ng pag-asa at ang ngiti ay nakaguhit pa rin sa kanilang mukha. Sabi nila,"Gaya ng mga dumaang bagyo, alam namin na lilipas din ang tagtuyot na ito."

Mga kapatid, napakahalaga ng mga bagyo sa ating buhay. Maituturing itong pagpapala. Kung kaya, kung tayo ay nasa ganitong sitwasyon, huwag atyong mawalan ng pag-asa. Harapin natin ito ng may pananampalataya.

No comments: