Sunday, July 29, 2007

DALUYAN NG KAPAYAPAAN

Idinaing ni Habacuc ang kawalang katarungan."Yahweh, hanggang kailan ako daraing sa iyo at di mo diringgin? Hanggang kailan mo babayaang mamayani ang karahasan? Bakit ang ipinapakita mo sa akin ay pawang kasamaan at kahirapan? Sa magkabi-kabila'y nagagganap ang pagwasak at ang karahasan; laganap ang hidwaan at pagtatalo. Kaya't hindi sinusunod ang kautusan at hindi umiiral ang katarungan. Napapaligiran ng masasama ang mabubuti, anupa't nababaluktot ang katuwiran." (Habacuc 1:2-4)

Ang daing ni Habacuc ay daing din ng karamihan ngayon. Laganap ang kasamaan at kawalan ng hustisiya. Maraming tao ang nagugutom at may sakit. Marahil, ito ang sinasambit ng karamihan:"Nasaan ang Diyos? Hindi ba Niya alam ang nangyayari sa akin?"

Sa tuwing nanonood ako ng balita sa telebisyon, ako ay napapaluha dahil sa mga nababalitang karahasan na nangyayari sa ating kapaligiran. Ang mundo ay ginawa ng Diyos na mabuti, ngunit ito ay unti-unti nang nasisira at nawawasak dahil sa kasamaan ng tao. Tunay nga na ang mundo ay nababalutan ng kasamaan at kadiliman. Ito ba ang plano ng Diyos para sa atin?

Nais ng Diyos na tayo ay magkaroon ng buhay na kasiya-siya, buhay na mapayapa. Kapayapaan. Ito ang kailangan natin. Ito ang nais ng Diyos na mapasaatin. Ano ba ang ibig sabihin ng salitang ito? Ang kapayapaan ba ay kawalan lang ng kaguluhan? Ang kapayapaan ay hindi lamang kawalan ng kaguluhan o digmaan kundi saklaw nito ang lahat ng aspeto ng buhay ng isang tao. mayroong kapayapaan kung may laman ang ating tiyan, kung wala tayong sakit, mayroon tayong maayos na tirahan at kung maganda ang relasyon natin sa ating Panginoon na lumikha sa atin.

Sa panahon ngayon na laganap ang kawalan ng kapayapaan, ang Diyos ay patuloy na tumatawag ng mga taong magiging daluyan nito. Noon pa man, ang Diyos ay tumatawag na ng mga taong tatayo sa pagitan ng dalawang panig na may alitan. Isa na dito si Abraham, Josue, David, Noe, at isa ka na dito kapatid. Ano ang puwede nating gawin? Hindi ko makakalimutan ang sinabi ng isang pastor, "Much of the injustices today are caused by the people called CHRISTIAN who remain silent and therefore complicit to events and forces that are out to destroy human lives and communities." Totoo ang kanyang sinabi, marami sa atin ang nagtataingang kawali sa karaingan ng marami.

Mayroong isang matanda na laging nagbabasa ng Bibliya at dumadalo sa lahat ng gawain sa simbahan. Isang araw, siya ay naglalakad patungo sa isang prayer meeting, may isang bata na lumapit sa kanya at humihingi ng konting tulong. Ngunit sa halip na ito ay kanyang tulungan, kaniyang sinabi, "Tumabi ka nga diyan, ako ay nagmamadali!" Sinabi ni Jesus, "Marami ang tumatawag sa akin ng ama ngunit hindi nila alam ang kanilang ginagawa." Marami sa atin ang nagsasabing sila ay mananampalataya ngunit hindi naman nakikita sa kanilang mga gawa. Sinasabi sa libro ni Santiago na patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa.

Pagmasdan natin ang ating paligid, maraming bata na umiiyak dahil sila'y palaboy sa lansangan, maraming ina ang umiiyak dahil wala na silang maipakain sa kanilang mga anak, marami nang dugo ang dumanak dahil sa hindi matigil na hidwaan. Nakakalungkot isipin ang mga nangyayari, parang nadudurog ang aking puso. Maaring sabihin natin, "Ano ang magagawa ko, wala akong yaman na maaring ibahagi, ako ay simpleng mamamayan lamang?" Kapatid, mayroon tayong magagawa. Ang mga maliliit na bagay kung ito ay pinagsama-sama ay magreresulta ng malaki. Tayo ay nabubuhay hindi para sa sarili lamang natin, kundi nabubuhay tayo para sa ating sarili at sa ating kapwa. Sinasabi sa libro ni Mateo, "Mapalad ang mga gumagawa ng daan sa ikapagkakasundo, sapagkat sila ay tatawaging anak ng Diyos."(5:9) Blessed are the peacemakers for they will be called children of God.

Panahon na upang tayo ay kumilos, ipakita na tayo nga ay anak ng Diyos. Huwag na nating hintayin ang bukas, ito na ang tamang panahon. Nawa maging panalangin din natin ang panalangin ni St. Francis of Assissi na "Lord make me an instrument of your peace." Maraming kaluluwa ang naghihintay sa atin, kaluluwang uhaw sa pagmamahal ng ating Diyos. Paano nila mararanasan ang kaligtasan na nagmumula sa ating Diyos kung wala tayo na siyang magsasabi at magpapadama sa kanila? Kapatid, handa na ba tayong humayo sa buong mundo?

Monday, July 23, 2007

SULAT

"Claim your letters!", ito ang pinakahihintay na announcement ng lahat sa tuwing oras ng kainan sa aming dormitoryo noong ako ay nasa kolehiyo sa Harris Memorial College. Eksayted ang bawat isa na marinig ang kanilang pangalan. Siyempre ako rin! Natutuwa akong makatanggap ng sulat lalo na kung ito ay galing sa aking mga kaibigan at lalo na kung ito ay galing sa aking mga magulang. Minsan, wala akong natatanggap kaya, ang eksaytment na nadarama ko ay napapalitan ng lungkot.

Hindi pa uso ang celfon noon, telepono at sulat lang ang ginagamit naming pamamaraan ng komunikasyon sa aming mga mahal sa buhay. Pero huwag ninyong sabihing matanda na ako ha? Kailan lang iyon. Ngayon, gumagamit na tayo ng makabagong pamamaraan ng komunikasyon kagaya ng celfon at internet. Yung eksaytment at tuwa na nadarama sa tuwing may matatanggap tayong mensahe ay nadoon pa rin, hindi nawawala, mas tumindi pa.

Kung nagdudulot ng saya ang mga mensaheng natatanggap natin sa ating mga mahal sa buhay eh di mas lalo na ang sayang madarama kung mababasa natin ang Bibliya. Ang Bibliya ay isang libro kung saan natin mababasa kung gaano tayo kamahal ng Diyos. At mababasa rin natin dito ang ilang mga tuntunin na puwede nating pagbatayan ng ating pamumuhay. Ang Bibliya ay Mensahe ng Pagmamahal sa atin ng ating Panginoon.

O ano, eksayted na ba kayong basahin ang sulat ng pagmamahal sa atin ng Diyos?

Sunday, July 22, 2007

BUHAY HARRIS

Sabi nila, ang pinakamasayang yugto daw ng buhay ay ang mga araw na ginugol sa hayskul. Pero sa akin, iba. Ang mga pinakamasayang araw ko ay ang mga araw na ipinamalagi ko sa kolehiyo.

Ako ay nag-aral sa Harris Memorial College. Alam ba ninyo ang paaralang ito? Kung hindi, naku! kayo na lang ang hindi nakakaalam. Ito ay naitatag noong 1903, mas nauna pa sa UP. Dati itong matatagpuan sa Taft Ave. sa Manila. Ngayon, ito ay matatagpuan sa Dolores, Taytay, Rizal. Ang institusyong ito ay naitatag upang maging sentro ng pagsasanay at paghuhubog sa mga kabataang babae para sa paglilingkod sa loob ng iglesia at saan mang lugar na nangangailangan ng kanilang serbisyo. At ito rin ang payunir ng Kindergarten Education sa Pilipinas.

Ang aking ina ay nagtapos din sa paaralang ito. At siya ay naglingkod sa aming iglesia(Metodista) bilang diakonesa. Dahil sa kanyang impluwensiya at sa nakikita kong pangangailangan sa loob ng simbahan, ako ay nagpasyang maging diakonesa. Tutol noon ang aking ama na isang pastor sapagkat ayaw niyang maranasan ko ang hirap ng paglilingkod. Pero wala siyang nagawa. Wala nang makapagbabago sa aking pasya.

June 13, 1997 nang pumasok ako sa Harris. Pagdating ko sa dormitoryo ng paaralan kung saan nakatira halos lahat ng mag-aaral, mga matatamis na ngiti ang sumalubong sa akin. "Welcome Smallsis!" ito ang bati nila sa bawat freshman na darating. "Ang saya naman dito!" ito ang nasabi ko sa aking sarili.

Ito ang unang pagkakataon na malayo ako sa aking magulang. Kaya't ako ay iyak ng iyak, gusto ko nang umuwi. Limang buwan na hindi ko sila makikita, parang hindi ko kakayanin. Subalit, sa tulong ng aking mga Bigsis, nakapag-adjust din ako at di na ako umiiyak.

Masayang tumira sa aming dormitorio. Ito ay parang "Little Philippines". Ang mga nakatira dito ay galing sa iba't ibang panig ng Pilipinas. Iba't ibang ugali at kultura, iba't ibang wika. Marami kaming di pagkakaunawaan pero pinag-iisa kami ng isang hangaring makapagtapos upang maging epektibong lingkod sa mga iglesiyang aming pupuntahan.

Bilang nakatira sa dormitoryo, mayroon kaming responsibilidad na dapat gampanan. May kanya kanya kaming housework. Ang unang naging housework ko ay tagahugas ng kutsara at tinidor. Tapos napunta ako sa C.R. Naglinis din ako sa isang office sa Jones Hall ( Administration Building). At ang pinakagusto kong housework ay ang paghahanda ng pagkain sa umaga.

5 o'clock ng umaga, simula nang manggising ang mga student dean at mga miyebro ng Faith Nurturing Committee. Kailangan, 5:45 ay nasa dining hall na ang lahat para sa morning devotion. May patakaran noon na kung hindi umattend ng devotion, walang pagkain at dadalhin ka pa sa Hearing Committee. 6:00 A.M., 12:00 noon, 6:00P.M. ang schedule ng pagkain. Dapat siguraduhin mong nandoon ka sa dining hall sa mga ganitong oras. Kung hindi, baka ka maubusan ng pagkain.

Malaya din kaming pumunta kahit saan basta may gatepass ka lamang. Minsan naranasan ko na lumabas na hindi napirmahan ng Dormitory Dean ang aking gatepass. Yun, patay ako! Pinagalitan niya ako at grawnded ng isang buwan. Pero di nila alam na may nakakatakas pa rin. May katabing isang subdivision ang aming skul. Hindi na kailangan ng gatepass kung mamamasyal kami doon. Hindi nila alam na kung pumunta kami sa subdivision na iyon, tuloy takas na kami papuntang Antipolo o sa Ever Gotesco na isang pinakamalapit na mall.

Sinasanay talaga kaming mabuti dito. Kung hindi namin pagbubutihin ang pag-aaral namin baka ma-kik-awt kami. Nakakahiya! Kaya, mahigpit ang mga instructor/professor namin. Sa gabi, mayroon kaming study hour, lahat ay nasa library o sa dining hall na nag-aaral. Mayroon din kaming group study upang magtulungan.

Isang asignatura ang kinakailangan naming kunin ay ang musika. Mayroon kaming piano, choir, music theory, choral conducting at organ. Hindi naman lahat ay may kakayahan nito. Marami sa amin ang nahihirapan dito. Sa katunayan, may mga mag-aaral na nahuhuling grumaduweyt, o hind nakakapagtapos dahil sa piano. Buti ako, medyo naturuan na ako noon ng nanay ko, kaya, hindi na ako masyadong nahirapan.

Ay naku, marami pa kong puwedeng ikuwento.. Ay isa pa pala sa hindi ko makakalimutan ay ang pagbibigay ng note. Parang hindi kumpleto ang araw mo kung wala kang natanggap na note, kahit simpleng "gudnyt bigsis, gudnyt smallsis!" man lang.

Napakasaya talagang tumira sa Harris, parang gusto kong bumalik doon. Doon nahasa ang aking mga talento, doon ko natanggap ang pagkatao ko, at doon ko unang nasabi " I am wonderfully made by God!"

Saturday, July 21, 2007

Ako po si.......

Nais kong ipakilala sa inyo kung sino ako. Ako po si Rhiza. Isa akong Diakonesa. Baka hindi n'yo pa alam kung ano ang diakonesa. Ang Diakonesa ay manggagawa ng simbahan, in short, "KATULONG". Katulong sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo.

Marami akong tungkulin bilang isang diakonesa. Mula Lunes hanggang Biyernes, nagtuturo ako ng kindergarten. Very interesting ang gawaing ito, teacher ka na, yaya ka pa ng mga bata. Madalas wala yung janitor ng simbahan/school, kaya ako ang naglilinis sa aking classroom. Pagdating naman ng hapon, sumasama ako sa mga Bible Studies at sa mga services sa mga bahay ng mga miyembro ng church. Pagdating ng Sabado, choir practice. Ako ang naghahanda ng mga kakantahin at nagtuturo nito. Sa Linggo naman, siyempre, nasa simbahan pa rin ako, nagtuturo ng Sunday School, tutugtog sa Worship Service, minsan, nagsesermon din ako. Pagdating ng hapon, nasa Extention Class naman ako, nagtuturo sa mga bata sa mga bario.

Napakasayang maglingkod sa kabila ng mga hirap at pagsubok. Malayo ako sa pamilya ko, kung saan saan kasi ako nadedistino. Dito sa distino ko ngayon, wala akong kamag-anak. Kung nasa kagipitan ako, wala akong matatakbuhan. Kabilin-bilinan ng nanay ko(isa ring diakonesa) na huwag daw akong uutang dito sa distino ko. Madalas na delayed ang suweldo ko.. Pero dito ko napatunayan ang kabutihan ng ating Panginoon. Sa kabila ng lahat, hindi ko pa nasubukang hindi kumain ng tatlong beses sa isang araw(maliban na lang kung tinatamad akong kumain).

Mahirap ding makisalamuha sa iba't ibang klase ng tao. May mga natutuwa sa iyo, mayroon namang hindi. Tinitignan lahat ng kapintasan mo. Ginagawa ko na ang lahat, mayroon pa rin silang masasabi. Pero, hayaan ko na lang sila. Alam naman ng Diyos ang lahat. Magsalita man sila ng magsalita, hindi nila maapektuhan sa relasyon ko sa Panginoon na Siyang pinaglilingkuran ko. Ang Diyos ang pinaglilingkuran ko, hindi sila.

Sa dami ng nangyayari sa buhay ko bilang diakonesa, parang napapaagod na ako at gustong umalis sa ministeryo. Pero, hindi ko yata kakayanin na umalis. Kahit mahirap ang buhay, ibang kaligayahan naman ang maidudulot ng paglilingkod. Kakaiba talaga. Hindi ko mailarawan. Kaya, ang panalangin ko sa Diyos ay patuloy Niya akong pagpalain upang patuloy din akong maging pagpapala sa iba.

PAPURI SA DIYOS!

Thursday, July 19, 2007

paano ba?

Di ko alam kung paano ko sisimulan...Paano nga ba? Hindi ako sanay magsulat. May kakayahan naman ako, kaya lang hindi ito nahasa.

Noong ako ay nasa mababang paaralan, ako ay naiinggit sa aking ate sapagkat marami siyang natatanggap na karangalan sa aming paaralan. Naiinggit ako sa dami ng kanyang medalya.

Nang ako ay nasa ika-limang baitang, ako ay lumahok sa paggawa ng sanaysay. Akala ko talunan na naman ako (lagi akong natatalo noon sa mga sinasalihan kong paligsahan). At nang ihayag ang mga nanalo, di ko sukat akalain na matatawag ang pangalan ko bilang nagkamit ng unang gantimpala. Abot sa langit ang kagalakang nadarama ko.. Mula noon, nagkaroon ako ng interes na magsulat. Subalit nabaling ang interes ko sa pagguhit at madalas akong inilalaban ng aming paaralan sa mga paligsahan sa pagguhit at sa awa ng Diyos, nananalo naman ako.

At nang subukan kong magsulat muli, ako ay nahihirapan na...kagaya ngayon...kaya di ko alam kung paano nga ba...