Sunday, July 29, 2007

DALUYAN NG KAPAYAPAAN

Idinaing ni Habacuc ang kawalang katarungan."Yahweh, hanggang kailan ako daraing sa iyo at di mo diringgin? Hanggang kailan mo babayaang mamayani ang karahasan? Bakit ang ipinapakita mo sa akin ay pawang kasamaan at kahirapan? Sa magkabi-kabila'y nagagganap ang pagwasak at ang karahasan; laganap ang hidwaan at pagtatalo. Kaya't hindi sinusunod ang kautusan at hindi umiiral ang katarungan. Napapaligiran ng masasama ang mabubuti, anupa't nababaluktot ang katuwiran." (Habacuc 1:2-4)

Ang daing ni Habacuc ay daing din ng karamihan ngayon. Laganap ang kasamaan at kawalan ng hustisiya. Maraming tao ang nagugutom at may sakit. Marahil, ito ang sinasambit ng karamihan:"Nasaan ang Diyos? Hindi ba Niya alam ang nangyayari sa akin?"

Sa tuwing nanonood ako ng balita sa telebisyon, ako ay napapaluha dahil sa mga nababalitang karahasan na nangyayari sa ating kapaligiran. Ang mundo ay ginawa ng Diyos na mabuti, ngunit ito ay unti-unti nang nasisira at nawawasak dahil sa kasamaan ng tao. Tunay nga na ang mundo ay nababalutan ng kasamaan at kadiliman. Ito ba ang plano ng Diyos para sa atin?

Nais ng Diyos na tayo ay magkaroon ng buhay na kasiya-siya, buhay na mapayapa. Kapayapaan. Ito ang kailangan natin. Ito ang nais ng Diyos na mapasaatin. Ano ba ang ibig sabihin ng salitang ito? Ang kapayapaan ba ay kawalan lang ng kaguluhan? Ang kapayapaan ay hindi lamang kawalan ng kaguluhan o digmaan kundi saklaw nito ang lahat ng aspeto ng buhay ng isang tao. mayroong kapayapaan kung may laman ang ating tiyan, kung wala tayong sakit, mayroon tayong maayos na tirahan at kung maganda ang relasyon natin sa ating Panginoon na lumikha sa atin.

Sa panahon ngayon na laganap ang kawalan ng kapayapaan, ang Diyos ay patuloy na tumatawag ng mga taong magiging daluyan nito. Noon pa man, ang Diyos ay tumatawag na ng mga taong tatayo sa pagitan ng dalawang panig na may alitan. Isa na dito si Abraham, Josue, David, Noe, at isa ka na dito kapatid. Ano ang puwede nating gawin? Hindi ko makakalimutan ang sinabi ng isang pastor, "Much of the injustices today are caused by the people called CHRISTIAN who remain silent and therefore complicit to events and forces that are out to destroy human lives and communities." Totoo ang kanyang sinabi, marami sa atin ang nagtataingang kawali sa karaingan ng marami.

Mayroong isang matanda na laging nagbabasa ng Bibliya at dumadalo sa lahat ng gawain sa simbahan. Isang araw, siya ay naglalakad patungo sa isang prayer meeting, may isang bata na lumapit sa kanya at humihingi ng konting tulong. Ngunit sa halip na ito ay kanyang tulungan, kaniyang sinabi, "Tumabi ka nga diyan, ako ay nagmamadali!" Sinabi ni Jesus, "Marami ang tumatawag sa akin ng ama ngunit hindi nila alam ang kanilang ginagawa." Marami sa atin ang nagsasabing sila ay mananampalataya ngunit hindi naman nakikita sa kanilang mga gawa. Sinasabi sa libro ni Santiago na patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa.

Pagmasdan natin ang ating paligid, maraming bata na umiiyak dahil sila'y palaboy sa lansangan, maraming ina ang umiiyak dahil wala na silang maipakain sa kanilang mga anak, marami nang dugo ang dumanak dahil sa hindi matigil na hidwaan. Nakakalungkot isipin ang mga nangyayari, parang nadudurog ang aking puso. Maaring sabihin natin, "Ano ang magagawa ko, wala akong yaman na maaring ibahagi, ako ay simpleng mamamayan lamang?" Kapatid, mayroon tayong magagawa. Ang mga maliliit na bagay kung ito ay pinagsama-sama ay magreresulta ng malaki. Tayo ay nabubuhay hindi para sa sarili lamang natin, kundi nabubuhay tayo para sa ating sarili at sa ating kapwa. Sinasabi sa libro ni Mateo, "Mapalad ang mga gumagawa ng daan sa ikapagkakasundo, sapagkat sila ay tatawaging anak ng Diyos."(5:9) Blessed are the peacemakers for they will be called children of God.

Panahon na upang tayo ay kumilos, ipakita na tayo nga ay anak ng Diyos. Huwag na nating hintayin ang bukas, ito na ang tamang panahon. Nawa maging panalangin din natin ang panalangin ni St. Francis of Assissi na "Lord make me an instrument of your peace." Maraming kaluluwa ang naghihintay sa atin, kaluluwang uhaw sa pagmamahal ng ating Diyos. Paano nila mararanasan ang kaligtasan na nagmumula sa ating Diyos kung wala tayo na siyang magsasabi at magpapadama sa kanila? Kapatid, handa na ba tayong humayo sa buong mundo?

No comments: