Nais kong ipakilala sa inyo kung sino ako. Ako po si Rhiza. Isa akong Diakonesa. Baka hindi n'yo pa alam kung ano ang diakonesa. Ang Diakonesa ay manggagawa ng simbahan, in short, "KATULONG". Katulong sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo.
Marami akong tungkulin bilang isang diakonesa. Mula Lunes hanggang Biyernes, nagtuturo ako ng kindergarten. Very interesting ang gawaing ito, teacher ka na, yaya ka pa ng mga bata. Madalas wala yung janitor ng simbahan/school, kaya ako ang naglilinis sa aking classroom. Pagdating naman ng hapon, sumasama ako sa mga Bible Studies at sa mga services sa mga bahay ng mga miyembro ng church. Pagdating ng Sabado, choir practice. Ako ang naghahanda ng mga kakantahin at nagtuturo nito. Sa Linggo naman, siyempre, nasa simbahan pa rin ako, nagtuturo ng Sunday School, tutugtog sa Worship Service, minsan, nagsesermon din ako. Pagdating ng hapon, nasa Extention Class naman ako, nagtuturo sa mga bata sa mga bario.
Napakasayang maglingkod sa kabila ng mga hirap at pagsubok. Malayo ako sa pamilya ko, kung saan saan kasi ako nadedistino. Dito sa distino ko ngayon, wala akong kamag-anak. Kung nasa kagipitan ako, wala akong matatakbuhan. Kabilin-bilinan ng nanay ko(isa ring diakonesa) na huwag daw akong uutang dito sa distino ko. Madalas na delayed ang suweldo ko.. Pero dito ko napatunayan ang kabutihan ng ating Panginoon. Sa kabila ng lahat, hindi ko pa nasubukang hindi kumain ng tatlong beses sa isang araw(maliban na lang kung tinatamad akong kumain).
Mahirap ding makisalamuha sa iba't ibang klase ng tao. May mga natutuwa sa iyo, mayroon namang hindi. Tinitignan lahat ng kapintasan mo. Ginagawa ko na ang lahat, mayroon pa rin silang masasabi. Pero, hayaan ko na lang sila. Alam naman ng Diyos ang lahat. Magsalita man sila ng magsalita, hindi nila maapektuhan sa relasyon ko sa Panginoon na Siyang pinaglilingkuran ko. Ang Diyos ang pinaglilingkuran ko, hindi sila.
Sa dami ng nangyayari sa buhay ko bilang diakonesa, parang napapaagod na ako at gustong umalis sa ministeryo. Pero, hindi ko yata kakayanin na umalis. Kahit mahirap ang buhay, ibang kaligayahan naman ang maidudulot ng paglilingkod. Kakaiba talaga. Hindi ko mailarawan. Kaya, ang panalangin ko sa Diyos ay patuloy Niya akong pagpalain upang patuloy din akong maging pagpapala sa iba.
PAPURI SA DIYOS!
Saturday, July 21, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment