Sabi nila, ang pinakamasayang yugto daw ng buhay ay ang mga araw na ginugol sa hayskul. Pero sa akin, iba. Ang mga pinakamasayang araw ko ay ang mga araw na ipinamalagi ko sa kolehiyo.
Ako ay nag-aral sa Harris Memorial College. Alam ba ninyo ang paaralang ito? Kung hindi, naku! kayo na lang ang hindi nakakaalam. Ito ay naitatag noong 1903, mas nauna pa sa UP. Dati itong matatagpuan sa Taft Ave. sa Manila. Ngayon, ito ay matatagpuan sa Dolores, Taytay, Rizal. Ang institusyong ito ay naitatag upang maging sentro ng pagsasanay at paghuhubog sa mga kabataang babae para sa paglilingkod sa loob ng iglesia at saan mang lugar na nangangailangan ng kanilang serbisyo. At ito rin ang payunir ng Kindergarten Education sa Pilipinas.
Ang aking ina ay nagtapos din sa paaralang ito. At siya ay naglingkod sa aming iglesia(Metodista) bilang diakonesa. Dahil sa kanyang impluwensiya at sa nakikita kong pangangailangan sa loob ng simbahan, ako ay nagpasyang maging diakonesa. Tutol noon ang aking ama na isang pastor sapagkat ayaw niyang maranasan ko ang hirap ng paglilingkod. Pero wala siyang nagawa. Wala nang makapagbabago sa aking pasya.
June 13, 1997 nang pumasok ako sa Harris. Pagdating ko sa dormitoryo ng paaralan kung saan nakatira halos lahat ng mag-aaral, mga matatamis na ngiti ang sumalubong sa akin. "Welcome Smallsis!" ito ang bati nila sa bawat freshman na darating. "Ang saya naman dito!" ito ang nasabi ko sa aking sarili.
Ito ang unang pagkakataon na malayo ako sa aking magulang. Kaya't ako ay iyak ng iyak, gusto ko nang umuwi. Limang buwan na hindi ko sila makikita, parang hindi ko kakayanin. Subalit, sa tulong ng aking mga Bigsis, nakapag-adjust din ako at di na ako umiiyak.
Masayang tumira sa aming dormitorio. Ito ay parang "Little Philippines". Ang mga nakatira dito ay galing sa iba't ibang panig ng Pilipinas. Iba't ibang ugali at kultura, iba't ibang wika. Marami kaming di pagkakaunawaan pero pinag-iisa kami ng isang hangaring makapagtapos upang maging epektibong lingkod sa mga iglesiyang aming pupuntahan.
Bilang nakatira sa dormitoryo, mayroon kaming responsibilidad na dapat gampanan. May kanya kanya kaming housework. Ang unang naging housework ko ay tagahugas ng kutsara at tinidor. Tapos napunta ako sa C.R. Naglinis din ako sa isang office sa Jones Hall ( Administration Building). At ang pinakagusto kong housework ay ang paghahanda ng pagkain sa umaga.
5 o'clock ng umaga, simula nang manggising ang mga student dean at mga miyebro ng Faith Nurturing Committee. Kailangan, 5:45 ay nasa dining hall na ang lahat para sa morning devotion. May patakaran noon na kung hindi umattend ng devotion, walang pagkain at dadalhin ka pa sa Hearing Committee. 6:00 A.M., 12:00 noon, 6:00P.M. ang schedule ng pagkain. Dapat siguraduhin mong nandoon ka sa dining hall sa mga ganitong oras. Kung hindi, baka ka maubusan ng pagkain.
Malaya din kaming pumunta kahit saan basta may gatepass ka lamang. Minsan naranasan ko na lumabas na hindi napirmahan ng Dormitory Dean ang aking gatepass. Yun, patay ako! Pinagalitan niya ako at grawnded ng isang buwan. Pero di nila alam na may nakakatakas pa rin. May katabing isang subdivision ang aming skul. Hindi na kailangan ng gatepass kung mamamasyal kami doon. Hindi nila alam na kung pumunta kami sa subdivision na iyon, tuloy takas na kami papuntang Antipolo o sa Ever Gotesco na isang pinakamalapit na mall.
Sinasanay talaga kaming mabuti dito. Kung hindi namin pagbubutihin ang pag-aaral namin baka ma-kik-awt kami. Nakakahiya! Kaya, mahigpit ang mga instructor/professor namin. Sa gabi, mayroon kaming study hour, lahat ay nasa library o sa dining hall na nag-aaral. Mayroon din kaming group study upang magtulungan.
Isang asignatura ang kinakailangan naming kunin ay ang musika. Mayroon kaming piano, choir, music theory, choral conducting at organ. Hindi naman lahat ay may kakayahan nito. Marami sa amin ang nahihirapan dito. Sa katunayan, may mga mag-aaral na nahuhuling grumaduweyt, o hind nakakapagtapos dahil sa piano. Buti ako, medyo naturuan na ako noon ng nanay ko, kaya, hindi na ako masyadong nahirapan.
Ay naku, marami pa kong puwedeng ikuwento.. Ay isa pa pala sa hindi ko makakalimutan ay ang pagbibigay ng note. Parang hindi kumpleto ang araw mo kung wala kang natanggap na note, kahit simpleng "gudnyt bigsis, gudnyt smallsis!" man lang.
Napakasaya talagang tumira sa Harris, parang gusto kong bumalik doon. Doon nahasa ang aking mga talento, doon ko natanggap ang pagkatao ko, at doon ko unang nasabi " I am wonderfully made by God!"
Sunday, July 22, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment