Monday, July 23, 2007

SULAT

"Claim your letters!", ito ang pinakahihintay na announcement ng lahat sa tuwing oras ng kainan sa aming dormitoryo noong ako ay nasa kolehiyo sa Harris Memorial College. Eksayted ang bawat isa na marinig ang kanilang pangalan. Siyempre ako rin! Natutuwa akong makatanggap ng sulat lalo na kung ito ay galing sa aking mga kaibigan at lalo na kung ito ay galing sa aking mga magulang. Minsan, wala akong natatanggap kaya, ang eksaytment na nadarama ko ay napapalitan ng lungkot.

Hindi pa uso ang celfon noon, telepono at sulat lang ang ginagamit naming pamamaraan ng komunikasyon sa aming mga mahal sa buhay. Pero huwag ninyong sabihing matanda na ako ha? Kailan lang iyon. Ngayon, gumagamit na tayo ng makabagong pamamaraan ng komunikasyon kagaya ng celfon at internet. Yung eksaytment at tuwa na nadarama sa tuwing may matatanggap tayong mensahe ay nadoon pa rin, hindi nawawala, mas tumindi pa.

Kung nagdudulot ng saya ang mga mensaheng natatanggap natin sa ating mga mahal sa buhay eh di mas lalo na ang sayang madarama kung mababasa natin ang Bibliya. Ang Bibliya ay isang libro kung saan natin mababasa kung gaano tayo kamahal ng Diyos. At mababasa rin natin dito ang ilang mga tuntunin na puwede nating pagbatayan ng ating pamumuhay. Ang Bibliya ay Mensahe ng Pagmamahal sa atin ng ating Panginoon.

O ano, eksayted na ba kayong basahin ang sulat ng pagmamahal sa atin ng Diyos?

No comments: